July 10, 2017

College of Law Commencement Exercises; Message of the President

By Communications Office

Sa ating Panauhing Pansdangal, Kgg. Lourdes P.A. Sereno, Punong Mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas, sa mga pangalawang pangulo ng Pamantasan, sa Dekano ng Kolehiyo, Dr. Nenita DC Tuazon, sa mga guro at kawani ng Kolehiyo, sa mga nagsipagtapos at sa inyong mga magulang at tagatangkilik, mga kaibigan at panauhin, isang mapagpalang gabi sa inyong lahat!

Tunay na pinagpala ang gabing ito para sa Bulacan State University - College of Law dahil sa pagtatapos ng dalawampu't pitong indibiduwal na masusi at buong husay na inihanda ng kanilang mga guro sa karangalang tinanggap. Pinagpala ang gabing ito para sa mga nagsipagtapos--dahil ito ang panahon ng pag-ani sa ilang taon ding pagsusumikap at pagsasakripisyo upang maabot ang tagumpay na ito. Pinagpala ang gabing ito para sa ating lahat na nabibigyan ng pag-asa na may magiging mga bagong abugadong BulSUAn na magtataguyod ng tapat at makataong laban para sa katarungan.

Binabati ko kayo mga nagsipagtapos sa isang tanging tagumpay na ito, at kaakibat ng aking pagbati ay ang hamon na tulad ng isang punong-kahoy, manatili sana kayong nakaugat, nag-uugat, at maugat sa pagpapatuloy ng inyong pagharap sa buhay upang kayo ay magbunga ng hitik, liglig at umaapaw sa inyong prupesyon bilang isang abugado. Gusto kong ibahagi ang isang katotohanan o realidad na kung paanong ang isang punong-kahoy ay mahihitik lamang ng bunga kung ito ay nananatiling nakaugat sa lupa, gayundin naman, manatili sana kayong nakaugnay sa mga pagpapahalagang iminulat sa inyo ng Pamantasan. Upang masiguro ang pagkakamit ng katarungan sa inyong pagsasanay ng batas, lagi sana ninyong isaisip at isapuso ang inyong pinag-ugatan ang tatak BulSU mabuting punla ang inihasik, mabuting bunga rin ang aanihin sa inyong paglilingkod. Hayaan ninyong gamitin ko ang paghahambing o pagkakatulad (analogy) ng ugat sa aking mensahe. May apat (4) na mahahalagang gampanin ang ugat sa buhay ng isang punong kahoy: (1) daluyan ng tubig mula sa lupa na ihahatid sa katawan at mga sanga; (2) angkla ng pagkakakapit ng puno sa lupa; (3) imbakan ng pagkain at sustansya ng puno; at (4) pag-asa ng puno upang makakuha ng sustansya ng lupa sa mahigpit na kumpentensya ng mga nakapaligid na elemento sa puno.

Una, manatili sana kayong nakaugat sa malalim na pananampalataya sa Diyos at sa inyong sarili dito nagmumula ang tubig na nagsusustena sa ating pakikibaka sa buhay. Naniniwala akong ang lahat ng ginagawa ng tao mayaman man o mahirap, may pinag-aralan man o wala, abugado man o hindi, ay bunsod ng kanyang pananampalataya. Huwag ninyong ipagkamali na ang tinutukoy ko ay ang relihiyon. Ang pananampalatayang tinutukoy ko ay ang mahigpit nating pagkapit sa mga bagay na nagbibigay kahulugan sa buhay. Ang pananampalataya ay ang paniniwala na may dahilan ang buhay, na may pananagutan tayo sa nagpahiram nito, at inaasahan tayong gamitin ito para sa paglilingkod sa iba. Habang mas nagiging totoo ang inyong mga pangarap, mas lalo sana ninyong matanto na wala tayong magagawa sa haba o ikli ng buhay, subalit marami tayong magagawa upang lumawak at lumamim ang epekto nito sa iba. Marahil ay alam na ninyo dahil ang inyong dekano at mga prupesor sa kolehiyo ay mga buhay na saksi sa malalim na pananampalatayang pinag-uugatan ng kanilang mahusay at tapat na paglilingkod. Ituro ninyo sa akin ang isang mahusay, dedikado, tapat at mapagmalasakit na abugado, at ituturo ko naman sa inyo ang isang pananampalatayang ipinapakita sa gawa at pamumuhay. Huwag sana ninyong kalilimutan na ang lahat ng talino, husay, at galing na mayroon ang tao ay pahiram lamang ng ating Manlilikha. Sikapin nating ibalik ang lahat sa Kanya sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba, sa mas higit na nangangailangan.

Pangalawa, tulad ng ugat ng puno, ang inyong prinsipyo nawa ang palagiang maging pundasyon at angkla sa pakikisalamuha sa inyong piniling larangan. Ang larangan na palaging binabahiran [lalo na ng telebisyon at iba pang medya]--ng kurapsyon, kasinungalingan, at kayamanan ay bigyan sana ninyo ng karangalan, katapatan at kahusayan sa pamamagitan ng inyong makatao at makabayang paglilingkod. Huwag sana kayong magpalinlang sa alok ng mundo na mababaw na tagumpay; hindi ninyo kailangang mamili sa kahusayan o pakikipag-kapwa tao, katanyagan o oras para sa pamilya at mahal sa buhay, kayamanan o katapatan sa paglilingkod. Sa kalaliman ng ating pagkatao, nalalaman nating ang magpapasaya sa atin ay hindi lang pera at ang mga mabibili nito, kundi ang bawat relasyon at ang kabuluhan ng buhay natin para sa iba. Huwag sana ninyong ipagkamali na may bagay na makatutumbas sa inyong prinsipyo sa buhay. Lagi't laging may masasabi ang ibang tao, subalit sa huli, ikaw at ang sarili mo lang ang magtutuos. Darating ang mga bagyo at unos sa buhay ninyo, sa iba't ibang anyo at pagkakataon, subalit kung palagian kayong nakaugat sa inyong prinsipyo at pananampalataya, mananatili kayong nakatayo, mas matatag at mas matibay.

Pangatlo, ang ugat ang nagsisilbing imbakan ng pagkain at sustansya ng puno. Huwag ninyong kalilimutan ang imbakan ng inyong lakas at inspirasyon--ang inyong pamilya at mga mahal sa buhay. Anumang tugatog ng tagumpay ang maabot nyo, huwag ninyong kalilimutang lumingon sa inyong pinanggalingan. Ang ating pamilya ang ating tahanan. Madalas ay malupit ang mundo, walang habas humusga ang mga taong hindi tayo lubos na nakikilala, subalit lagi tayong may uuwiang tahanan. Ito ay ang pagmamahal at pagtanggap ng ating pamilya kahit anupaman ang mangyari sa atin. Kaya nga TAHANan. Tahan-an. Lugar kung saan tayo tanggap, hindi kailangan magpanggap. Kung saan tayo ay mahal, [hindi minumura.] Kung saan tayo ay pinatatawad. Kung saan tayo tumatahan. Mapaiyak man tayo ng mundo tatahan at tatahan tayo palagi sa piling ng ating mga mahal sa buhay. [Mangyaring palakpakan natin ang inyong mga magulang at tagatangkilik na naririto ngayon.] Ang inyong degree at titulo ay hindi lisensya upang hindi na ninyo pakinggan ang payo ng inyong mga magulang at nakatatanda. Tandaan ninyo, walang taong naging matagumpay na hindi muna naging mapagmahal na anak sa kanyang mga magulang. Huwag ninyo silang kalilimutan, huwag ninyo silang pababayaan. Kulang ang kahit anong tagumpay na hindi iniaalay sa magulang.

Pang-apat at panghuli, manatili sana kayong nakaugat upang buong tapang ninyong maharap ang mga nagbabanggaang interes sa inyong sarili at sa inyong mundo. Hayaan ninyong isalin ko ang isa sa mga winika ni Winston Churchill: "Ang tagumpay ay hindi pa tapos, ang pagkakamali ay hindi nakamamatay; ang pagkakaroon ng tapang at lakas ng loob na magpatuloy ay ang siyang pinakamahalaga." Maaaring maraming matatalinong nagtangkang tahakin ang inyong napagtagumpayan, subalit higit ninyong alam na ang Law School ay hindi lang basta patalinuhan, kundi ito ay nangangailangan ng tapang at lakas ng loob. Kinakailangan ang lakas ng loob na kilalanin ang sarili, kasama ang ating mga takot, kahinaan at limitasyon; hindi biro ang harapin ang ating sariling kakulangan. Kailangan ng ibayong lakas ng loob na aminin na kailangan nating may baguhin at paghusayin pa sa ating mga sarili. Mahirap magbago kung palagi lang nating iniisip na tayo ang pinakamahusay at pinakamagaling. Kung kaya nga, ang totoong katapangan ay nakaugat sa kababaan ng loob. Nakikilala rin ang lakas ng loob ng isang tao sa kung paano niya hinaharap ang mga pagkakamali. Sa isang eksaktong prupesyong tulad ng abugasya, tila nakakatakot magkamali. Subalit huwag ninyong kalilimutang sa mga pagkakamali tayo natututo, lumalago at umuulad. Dahil ang totoo, ang taong hindi nagkakamali ay ang taong walang ginagawa. Huwag matakot magkamali, subalit huwag ding kaligtaang makinig sa inyong mga prupesor at magbasa ng mahuhusay na aklat upang maiwasan ang pagkakamaling nagawa nung nakaraan at matuto mula sa iba.

Manatili kayong nakaugat, nag-uugat, at maugat upang patuloy kayong magbigay karangalan sa inyong prupesyon, sa inyong mga magulang, sa Bulacan State University, at sa ating Diyos na Maykapal.

Mabuhay ang College of Law Class 2017!

Mabuhay tayong lahat!

TO GOD BE THE GLORY!

SHARE THIS PAGE: